Ang Bunga ng Kasalanan ni Cirio H. Panganiban ay tunay na isang malaking ambag sa mundo ng literatura. Naipamalas niya ang angking galing sa pagsulat sa pamamagitan nang mga angkop at makapangyarihang salita na naging daan upang maging epektibo ang kanyang akda sa mga mambabasa na katulad ko. Gaya na lamang ng habang binabasa ko ito ay nabatid ko ang malalalim na salita na kanyang ginamit. Kaya naman naisip ko na hindi lamang dapat basta bastang pagbasa ang iyong gagawin, kundi basahin ito ng may pang-unawa at isapuso ang aral na natutunan sa kwento.
Ayon sa kwento, mayaman at sunod sa layaw sa buhay ang mag-asawang Rodin at Virginia, ngunit hindi sila ganoon kaligaya sapagkat wala silang anak. Kahit pa nga ang pamimintakasi nila sa mga santo sa Ubando, Bulacan ay hindi pa rin naging sapat upang mabiyayaan sila ng anak. Subalit nang mapagbigyan naman ang kanilang hiling na magkaroon ng supling sa pamamagitan ng sensiya ay saka naman sila nagdudang mag-asawa sa kanilang mga sarili bilang mga magulang. Pinaniwalaan pa nila na isang bunga ng kasalanan ang sanggol na isinilang ni Virginia. Wari mo'y gumawa sila nang kanilang saariling multo na kinatatakutan pero ang totoo ito'y kanilang imahinasyon lamang.
Sa aking palagay, dito ipinapahiwatig na minsan akala natin na ang mga hinihingi o ipinagdarasal natin sa ating Panginoon ay walang tugon mula sa Kanya. Pero ang totoo matagal na niya tayong tinugon sa ating mga kahilingan, bulag lamang tayong mga tao na makita o bigyang pansin na sa Kanya galing ang mga pagpapalang ito. Dahil masyado nating itinutuon ang ating pansin sa mga problema, kumbaga hindi natin lubusang ipinagkakatiwala ang buhay natin sa Panginoon. Kagaya na lamang ni Virginia, na kahit gaano man siya kamadasalin ay hindi niya pa rin naiwasan sa huli na pagdudahan ang ipinagkaloob na anak sa kanila ni Rodin.